Time Machine, Please.

Oo, babalik ako. Pero hindi para balikan ang dating ako. Yung palamura, di umiimik, laging seryoso, laging galit, laging nag-iisip—nag-iisip ng mga bagay na walang kabuluhan, puro negatibo, at walang patutunguhan. Nagkukulong sa kuwarto matapos ang eskuwela o pagkatapos tumulong sa tindahan. Hindi ako babalik sa ganito. Hindi ko babalikan ang yugtong ito. Medyo masalimuot ang papalapit na sa puberty.

Kung may gusto man akong balikan, iyon ang paglalaro—iyong panahong nasa edad 5 hanggang 8 ako. Ang pagtakbo. Ang tuksuhan. Ang pagbibisekleta. Ang away-bata. Gusto kong muling masilayan ang aming plaza. Ang plaza na nagsilbing pangalawang tahanan sa mga musmos na katulad ko. Doon kami naglalaro ng taguan, habulan, tumbang preso, luksong-baka, luksong-tinik, luksong-lubid, patintero, trumpo, text (hindi ito ang text na alam mo ngayon), at marami pang iba.

Gusto kong masilayan muli ang mga halaman at bulaklak, na dinadapuan ng mga paruparo at tutubi. Ang bulaklak ng santan na sinisipsip ang katas na lumalabas dito, ang gumamela na pampabula, ang sampaguita na ginagawa naming kuwintas. Patawad dahil pinipitas namin kayo kahit may babala nang nakalagay na bawal kayong pitasin.

Gusto kong tumabi muli kay Rizal. Umakyat sa kaniyang monumento at saluduhan ang kaniyang rebulto. Hindi man kita masyadong kilala noon, kasama ka lagi sa aming paglalaro. Ikaw ay aming iniikutan kung mataya-taya ang aming laro.

Gusto kong maglambitin, tumalon, at tumakbo. Ang tawag nga nila sa akin ay “Taong Gubat.” Mabilis kasi akong tumakbo at kumikilos ng parang lalaki. Wala akong pakialam kung may matapakan ako, mabangga, o madapa. Wala rin akong pakialam kung dumami ang mamiso sa aking binti. Basta masaya ako sa paglalaro.

Gusto ko ring maglaro muli ng pimpong o badminton, ng chinese garter, ng foot ball, ng sipaang tsinelas, ng sipa (kahit hindi ako masyadong marunong). Naglalaro din naman ako ng manika, nagkaroon din ako ng barbie doll na noong nagsawa ako ay ginuhitan ko ang buong katawan. Tuwing piyesta, bumibili rin ako ng mumurahing manika. Kung wala namang budget, paper doll ang aking pinagtitripan, tig-pipiso lang naman ito.

Gustong-gusto ko ring balikan ang panghuhuli ng gagambang-bahay, ng kataba o buwan-buwan tuwing baha o tag-ulan. Gusto kong lumangoy muli sa baha, iyong medyo malinaw pa ang tubig na umaapaw mula sa ilog. Hindi ako nakaranas makaligo sa ilog. Hindi kasi ako natutong lumangoy. Sa baha kasi, maaaring pagapang na lumangoy.

Gusto kong bumalik sa pagiging bata. Ganito yata talaga kapag tumatanda.

Makaranas pa rin kaya ng ganito ang anak ko sa susunod na tatlong taon?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s