Mapapatawad Mo Ba Ako?

Kumusta? Matagal na pala tayong hindi nagkakasama.
Bigla akong nanabik na makita at mahawakan ka——
maramdamang muli ang matigas at mahaba
mong taglay na pasensiya at pagtitiyaga sa akin
sa kung ano ang aking susulatin
gamit ka…

Ang tagal na pala…
Ang tagal ko palang nahinto sa paghawak sa iyo,
sa paghaplos, sa paghagod sa iyo sa makinis na papel
na sobrang tagal kong di mapunan ang kabuuan——
ang buong espasyo, ang buong kaputian.
Hindi ko masulatan.

Alam mo, ang daming salitang naglalaro sa aking isipan
kapag ako ay nakahiga at naghihintay na dalawin ng diyos ng mga panaginip.
Sinubukan ko naman. Sinubukan ko nang paulit-ulit.

Duwag pala ako. Natatakot akong makita ka ng iba.
Baka di ko makaya kung anong sasabihin nila sa ating dalawa.
Duwag pala akong mangingibig ng salita.
Dahil takot akong ilabas ang tunay na tayo.
Ang tunay na tayo na hindi ko pa lubusang kilala
o nauunawaan kung tayo ba talaga ay uubra sa isa’t isa.

Heto, sinubukan kitang muli. Patawad.
Patawad dahil paulit-ulit kitang ginagamit noon at hanggang ngayon——
ginagamit sa mga walang katuturang salaysay
sa mga kuwentong hindi naman totoo.
Sa isang kisapmata ay naglalaho.

Mauunawaan kita kung sakali mang bigla kang magtampo.
Kung bigla kang bibitiw.
Kung bigla kang manlamig.
Kung bigla kang magtago.
Kung bigla kang maglaho––
papalayo sa aking sikmura,
sa aking pagkatao.

Maaatim mo bang muling balikan ang isang tulad ko?
Maaatim mo bang muling mahalin ang di ka mapanindigan?
Maaatim mo bang sumama sa aking gula-gulanit na pangarap?

Nagmamakaawa ako, bigyan mo ako ng maraming pagkakataon
para magbago, para paulit-ulit na magbago hanggang sa marating ko
ang rurok ng kaligayahan kapiling ka at ang mga salita.

Oo, samahan nawa tayo ng mga salitang matagal nang nagkukubli,
naglalaro sa aking luntiang isipan.
Sumusundot.

Kailan ko kaya mailalabas silang lahat?
Kailan ko kaya kayo mapaninindigan?
Kailan ba ako magigising sa panaginip na likha ng aking guniguni?
Kailan ninyo ako mapapatawad sa aking pagiging makasarili?

Kailan ninyo ako balak samahan?
Kailan ako dapat huminto?
Hanggang kailan magtatagal ang mga salitang ito?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s