Minsan Akong Naging Bata

Taong Gubat
Taong gubat ang bansag sa akin ng mga kalaro kong sina Arra, Nalyn, Beyin, Jenang, Jovel, Aya, Gyen, Padin, Margie, at iba pa. Mabilis kasi akong tumakbo at hindi natatakot sa pagtalon-talon sa mga pader, stage, o monumento na matatagpuan sa plaza—ang paborito naming tambayan at palaruan ng mga kababata ko. Kapag ako na ang taya sa takbuhan, tulad ng langit at lupa, sili-sili, sa pula-pula, sa puti-puti, o moro-moro, binibigyan ko muna sila ng pagkakataon na makalayo sa akin. Hindi ako nauupod sa larong habulan. Sandali ko lang din silang mataya. Mahilig din kaming maglaro ng taguan lalo na sa gabi. Mahilig akong magtago sa likod ng halamanan, sa likod ng monumento, sa likod ng stage, at sa kahit anong masisingitan. Trip din naming maglaro ng chinese garter, foot ball, luksong-tinik, luksong-baka, at luksong-lubid. Umaga pa lang ay laman na kami ng pinakamamahal naming plaza.

Gintong Bisikleta
Mabilis akong magpaandar ng bisikleta. Mas mabilis, mas malakas ang pagtama ng hangin sa aking balat. Mas ramdam ko ang kaligayahang dulot ng pagbibisikleta. Kasama ang aking mga kababata, masaya kaming nagbibisikleta. Madalas kong hiramin ang bisikleta nina Aya at Gyen. Mababait kasi ang kanilang mga magulang kaya okay lang na ipahiram sa amin ang kanilang bisikleta. Nagpapabili ako noon kay Papa ng bisikleta ngunit noong panahong iyon ay salat kami sa buhay, hindi niya kami agad nabili ng bisikleta. Isang araw, nag-uwi si Papa ng bisikleta. Sabik ko itong tiningnan ngunit agad na nawala ang liwanag sa aking mukha nang makita ko ang kalawanging bisikleta. Sa pagpapala ng Diyos, makalipas ang ilang taon, nakaluwag-luwag kami at nakabili na si Papa ng sariling bisikleta.

Kapangyarihan ng Hangin
Kapag kulang ka sa mga materyal na bagay, higit na lalawak ang iyong imahinasyon. Totoo. Noong bata ako, kaya kong utusan ang hangin. Lagi ko siyang kasama saanman ako magpunta. Nakalilipad din ako tulad ng mga ibon at naaabot ko ang mga ulap sa himpapawid. Sa hangin ko naibubulong ang aking mga nararamdaman, ang aking mga pangarap. Kami ni Arra, best friend ko noon, ang laging magkasama. Siya ang araw, ako naman ang hangin. Si Amihan kaya ng Encantadia ang nakakausap ko noon?

Samalamig
Bata pa lamang ako ay nagbabanat na ako ng buto. Tumutulong ako sa pagtitinda ng samalamig. Ang pagtitinda ng samalamig ang kinamulatan kong hanapbuhay ni Lola, na naipasa kay Mama. Naalala ko, noong nasa Grade 2 ako, lagi akong nakakakuha ng mababang score sa pagsusulit. Nang tinanong ako ni Mam kung bakit laging mababa ang score ko, pabida pa ang ilan kong kamag-aral na sumabat, “Nakita po namin siyang laging nagtitinda.” Bahala nga sila.

Si Brownie
Brownie ang pangalan ng alagang aso ni Lolo. Kinalakihan ko rin ang pakikipaglaro sa kaniya. Madalas ko siyang kuhanan ng garapata, ewan ko ba, hindi ako nandidiri noon na humawak ng garapata. Gustong-gusto ko pang kuhanan siya ng garapata sa singit-singit ng kaniyang mga daliri. Maraming beses na rin siyang nanganak pero ang hindi ko malilimutan ay minsang nanganak siya noong may bagyo. Mixed emotions. Oo, nga pala. Nakakagat siya ng isang bata. Galit na galit ang Lolo ng batang iyon kaya pinakakatay niya si Brownie. Ang sakit.

Pista ng Obando
Paborito kong buwan ang Mayo, hindi dahil isang buwan na lamang ay kaarawan ko na o dahil malapit nang magpasukan sa eskuwela. Paborito ko ito dahil sa pagdiriwang ng Pista ng Obando. Tatlong araw ang pista (Mayo 17-19) dahil sa aming tatlong patron: San Pascual, Santa Clara, at Nuestra Señora de Salambao. Paborito ko ang buwan na ito dahil malaki-laki ang kinikita namin sa pagtitinda. Mabenta. Malaki rin ang “nakukupit” ko pero alam naman ni Mama. Hahaha. Naalala ko, nagawa kong makapag-ipon ng P2000 para lamang mabili iyong 2nd hand cellphone, Nokia 5110, na ibinibenta ng kaibigan ng kapatid ko. Ang saya di ba? Paalala lang po, bawal mangupit.

Si Ultimate Crush
May ultimate crush ako noong bata pa ako. Lumago ang damdamin iyon hanggang noong magkolehiyo ako. Hanggang ngayon, nahihiya pa rin akong banggitin ang pangalan niya. May kani-kaniya na kaming pamilya. Siya ay matalino, guwapo, maputi, at simpleng lalaki. Noong nalaman kong may girlfriend na siya, halos lumuha na ako sa panibugho. Lalo na kung bibili sila ng samalamig. Pero matagal na akong nakapag move-one. Promise.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s