Pista ng Obando

Ang aking mga naging karanasan noon sa pagtulong kay Mama sa pagtitinda ng samalamig, lalo na tuwing #PistaNgObando, ay nagamit ko rin sa pagsulat ng kuwento at sanaysay. Ilan sa mga ito ay nailathala. Mabuhay ang unang araw ng #ObandoFertilityDanceFestival2018!
***

Kilala ang bayang aking sinilangan dahil sa simbahan nitong dinarayo ng mga mag-asawang humihiling na mabiyayaan ng anak. Tuwing sasapit ang Mayo 17 hanggang Mayo 19, maraming deboto nina San Pascual Baylon, Santa Clara, at Nuestra Señora de Salambao ang dumarayo, nakikisaya, at nakikisayaw sa Pista ng Obando, kilala rin sa tawag na Fertility Dance Festival.

Nagiging abala ang mga pangunahing lansangan, maging ang bawat barangay at kalye ng Obando dahil sa prusisyon at sayawan. Maraming matatandang mananayaw ang makikita mo taon-taon, kasama ang kabataang unti-unti nilang tinuturuang isapuso at isabuhay ang mga katutubong tradisyon. Ang lahat ay napapaindak sa saliw ng mga tugtugin ng iba’t ibang banda, partikular ang musikong bumbong. Kapag pinatugtog na ang “Santa Clara, Pinung-pino,” ang lahat ng magkapares na lalaki at babae ay sumasayaw ng pandango. Higit na maindayog ang pagsasayaw, higit na malaki ang posibilidad na magkatotoo ang mga kahilingan.

Pakikiisa ng Aking Pamilya
Taon-taon, nasasaksihan ko ang masayang pagdiriwang na ito sa aking bayan. Hindi ko man naranasang magsayaw o pormal na makiisa sa pagdiriwang, may ibang paraan kami ni Mama kung paano makikisaya sa pagdiriwang na ito.

Ang bawat indayog ng mga mananayaw ay sinasabayan namin ng pagsandok ng samalamig. Ang bawat tugtog ng mga musikero ay sinasabayan namin ng kalansing ng mga baryang panukli sa mga mamimili. Ang bawat hiyaw ng mga mananayaw ay sinasabayan namin ng pasasalamat dahil mabenta ang aming samalamig.

Pagtitinda ng samalamig ang kinalakihan kong hanapbuhay—mula pa sa aking lola. May sago at gulaman, melon juice, buko juice, at pineapple juice. May espesyal rin kaming samalamig na tinatawag ni Mama na “salad.” Pinaghalo-halo ang tubig, asukal, gatas, gulaman, sago, langka, at papaapawin namin sa yelo.

Maganda ang puwesto ng aming tindahan. Sa kalye ng Rizal, katabi ito ng isang pribadong paaralan, at ilang hakbang lamang ang layo mula sa Simbahan ng Obando. Nakikipagsabayan ang tinda naming samalamig sa iba pang tindera ng mga kalamay, suman, kasoy, at mani. May mga tindera din ng mga laruan at souvenir. Nagkalat ang mga nagtitinda rito na karamihan ay mga dayo mula sa Maynila, Antipolo, at Batanggas.

Gabay na Patron
Kaya tatlong araw ang Pista sa Obando ay dahil na rin sa tatlong patron na pinaniniwalaang gumagabay sa aming mga Obandeño. Ang mga deboto ni San Pascual Baylon ay humihiling ng mapapangasawa o magkaroon ng anak na lalaki. Ang mga deboto ni Santa Clara ay para sa mga mag-asawang walang anak. Ang mga deboto ni Nuestra Señora de Salambao ay para sa mga mangingisda, kung saan isa ang pangingisda sa mga pinagkukunang kabuhayan ng mga Obandeño.

Ang mga mag-asawang humihiling kay Santa Clara ay nag-aalay ng itlog at nagdarasal. Nabanggit din ito ni Jose Rizal sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere, kung saan pinayuhan ni Padre Damaso si Donya Pia Alba na magsayaw sa Obando.

Isang kuwentong-bayan naman ang laganap sa Obando tungkol kay Nuestra Señora de Salambao. Sinasabing dalawang mangingisda ang nakabingwit ng isang poon gamit ang salambaw. Pinaandar nila ang bangka papuntang Navotas ngunit biglang bumigat ang salambaw at nahirapan silang paandarin ito. Ngunit nang tinahak nila ang papuntang Obando, gumaan ang salambaw at naging madali ang pag-andar ng bangka. Dahil dito, napunta sa Obando ang poon.

Tuwing Di Pista
Maituturing na normal na pagtitinda ang mga sumunod na araw matapos ang pista. Nangangahulugan itong may araw na mabenta, may araw na matumal. Kapag umulan o may bagyo, lalong lugi ang negosyo. Gayunman, patuloy pa rin ang aming pagtitinda sa tabi ng isang pribadong paaralan, doon sa tapat ng simbahan.

a


One thought on “Pista ng Obando

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s