Open Mic para sa Karamdamang Mental (Ikalawang Bahagi)

Noong gabi ng Agosto 11, 2018, idinaos namin ang open mic program ukol sa mental health awareness sa aming opisina. Onse kaming nagtanghal (kumanta at bumigkas). Nasa bente rin ang mga nanood. May ilang umiyak, may ilang tumawa, at may ilang tahimik lang na nakikinig. May ilang lumapit sa aking katrabaho at nagpasalamat dahil may ganitong programa. Masasabi kong naging matagumpay ito sapagkat kahit paano ay may nakita akong naantig talaga ang puso. Ramdam ko rin ang suporta ng ilang katrabaho sa mga kaibigang may pinagdadaanan sa buhay. Narito ang piyesang binigkas ko sa aming open mic bilang pangwakas ng programa.

“Mga Tanong Retorikal”
ni Mary Rose Magcamit

Hanggang saan ka mabubuhay nang malaya kung ang iyong isip ay laging nagagambala?
Ano ang hangganan ng kalayaang ibinigay sa iyo ng Buhay kung lagi mong sinusundan ang malalaking alon ng karagatan?
Hanggang saan ka patatangay sa malakas na ihip ng hanging kailanman ay hindi mo nasaksihan o masasaksihan?

Maipaliliwanag mo ba kung ano ang tunay mong nararamdaman
——sa mga oras na ito——sa mga sandaling wala Kami sa iyong harapan?

Kung nagagawa mong isigaw sa kawalan ang sakit at ang iyong mga hinagpis, bakit di mo man lang maibulong sa iyong katabi ang iyong mga agam-agam?

Takot ka bang mahusgahan? Takot mapagsabihan? Takot sa kung ano ang aming iisipin matapos mong mailahad ang lahat? Ang lahat tungkol sa iyong nakaraan… ang lahat ng iyong mga iniyakan sa mga gabing nagdaan? Sa mga panahong pakiramdam mo ay wala kang kahulugan…

Kaibigan, narito lamang ako… magsasalita ng diretso.. ng katotohanan… na di naman talaga madaling mabuhay sa mundo———lalo na kung paninindigan mong nag-iisa ka lamang rito.

Hindi naman talaga madaling mabuhay lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng pader na mag-uugnay sana sa iyo at sa akin, o sa amin, o sa kabilang panig kung saan kaya kang alagaan at unawain.

Kaibigan, narito lamang ako…magsasalita ng diretso..ng katotohanan…
na di naman talaga madaling mabuhay sa mundo———

Hindi lamang ikaw ang tao sa mundo na may problemang tulad ng iyo… ng mga problemang akala mo ay pinakamabigat na sa mundo… na nakaatang sa iyong mga balikat… na akala mo’y ikaw si Atlas——maaaring “OO” kung ang mundong tinutukoy mo ay ang likha ng sarili mong isip…

Kaibigan, narito lamang ako… magsasalita ng diretso.. ng katotohanan… na di naman talaga madaling mabuhay sa mundo———

Ngunit sa kabila nito ay may pamilya ka… may pamilya kang matatagpuan sa kumpulan ng mga tao rito… may pamilya ka sa iyong trabaho na hindi lamang magsisilbing anino. May pamilya kang nagmamahal sa iyo.

Sana sa kabila ng iyong pagdadalamhati, sa kabila ng iyong mga hinaing na paulit-ulit na kumikislot sa iyong kaibuturan…. maniwala ka pa sanang mananaig pa rin ang Pag-ibig… ang pag-ibig mo sa iyong sarili, sa iyong pamilya, at sa iyong mga kaibigan… Na mananaig pa rin ang kagandahan ng buhay sa kabila ng kapangitan ng mundo.

Teka, ano bang pinagsasabi ko sa inyong harapan?
Ako na isang nawawala rin sa sariling katauhan?
Akala ko kasi ay nakaharap ako sa salamin at kausap ang nakikitang kagandahan sa kabila ng kapangitan…
Ako na naniniwalang may Liwanag at may Manlilikha na hindi nagkamali sa paglalang sa akin. Sana ay patuloy pa rin tayong mabuhay nang may pag-asa kahit hindi ito ang mundong para sa atin.IMG_2681


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s