Sa Isang Madilim Gubat na Mapanglaw

Ang pamagat ng blog entri na ito ay ang unang taludtod sa punong salita ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas. Ang “madilim gubat na mapanglaw” ang tagpuan ng awit na inilarawan ni Balagtas na lubhang masukal at kasindak-sindak.

Naglagay si Balagtas ng talababa sa kaniyang awit. Ayon dito, ang gubat ay matatagpuan sa labas ng siyudad ng Epirus na isang makasaysayang rehiyon sa dakong timog-silangan ng Europe. Katabi ng gubat ang Cocyto na ayon sa mitolohiyang Griyego ay isang ilog na malapit sa kaharian ni Pluto, ang diyos sa mundo ng mga patay.

Samakatwid, banyaga ang mga tauhan at tagpuan ng awit ni Balagtas kaya sa unang basa ay mapaniniwala nga nito ang Comision Permanente de Censura, ang tagasuri noon ng mga akdang inililimbag sa Pilipinas, na ito ay hindi mapaminsalang aklat na makasisira sa pamahalaang Espanyol.

Himagsik ng Panulat
Nabulagan man ang mga Espanyol noong mga panahong iyon, may mga Pilipino pa ring nakakita sa tunay na mensahe at kahalagahan ng awit ni Balagtas. Nagsilbi itong kasangkapan upang gisingin ang pagkamakabayan ng mga Pilipino, lalo na sa panahong ng Unang Rebolusyon. Ang magigiting nating bayani na sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini ang mga nangunguna sa mga nakakita at nakaunawa sa tunay na layunin ng awit ni Balagtas at kung ano ang bisa nito sa kanilang panahon hanggang sa hinaharap.

Nagmula nga lamang ba sa guniguni ni Balagtas ang tagpuan ng walang-kamatayang awit? O ito ay isang realidad na ikinubli lamang niya sa mga mananakop ngunit inilantad naman sa mga Pilipinong may makabayang mithiin?

Sa pagpasok ng ika-20 siglo, isang makata ang nagpaliwanag hinggil sa “madilim gubat na mapanglaw” bilang tagpuan ng awit ni Balagtas. Ito ay walang iba kundi si Lope K. Santos, ang nagsulat ng Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas. Pangunahin sa mga himagsik na ito ang “himagsik laban sa malupit na pamahalaan” sa ilalim ng pamumuno ng mga Espanyol. Masasalamin agad ito sa ika-8 saknong ng awit: “Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat / may punong higerang daho’y kulay-pupas; / dito nagagapos ang kahabag-habag, / isang pinag-usig ng masamang palad.”

Ayon kay Santos, ang punong higera ay larawan ng isang pamunuan na “ubod ng kasungitan at bangis” na walang iba kundi ang pamamahala ng mga Espanyol sa Pilipinas. Habang ang nakagapos na si Florante ay kumakatawan naman sa sambayanang Pilipino. Dagdag pa ni Santos, inilarawan din ni Balagtas ang bansa sa kamay ng mga Espanyol na matutunghayan sa ika-14 saknong ng awit: “Sa loob at labas ng bayan kong sawi / kaliluha’y siyang nangyayaring hari, / kagalinga’t bait ay nalulugami / ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”

Albanya man ang binanggit na bayan ni Florante sa awit, mahihiwatigan pa rin na Pilipinas ang kaniyang inilalarawan. Tila nais ipagsigawan rito ni Balagtas ang mga pahayag na “Tama na! Aping-api na kami! Husto na ang pang-aabuso! Lalaban na kami!”

May Pag-asa sa ‘Gubat’
Sa kabilang banda, ipinakita pa rin sa awit na may pag-asa pa ang mga Pilipino sa kabila ng mga paghihirap at pang-aabuso sa kamay ng mga banyagang mananakop. Sa gubat na iyon ginunita ni Florante ang masasayang alaala nila ni Laura (na inakala niyang nagtaksil sa kanilang pag-iibigan). Sa gubat na iyon nakatadhanang maililigtas siya ng Morong si Aladin laban sa mababangis na hayop. Sa gubat ding iyon niya inilahad ang kabutihan ng kaniyang mga magulang; binalikan ang mabubuting aral na natutuhan mula pagkabata; at binigyang-pugay ang katapatan ng kaibigang si Minandro.

Higit sa lahat, sa gubat ding iyon muling pinagtagpo ang magkakasintahan, at nadatnan sila roon ni Minandro dala ang isang hukbo. Nagbubunying nagwika ang tapat na kaibigan ni Florate: “Viva si Floranteng hari ng Albanya! Mabuhay, mabuhay ang Prinsesa Laura!” Tila ipinahiwatig ni Balagtas na hindi man sa kaniyang panahon, naroon pa rin ang kaniyang pag-asa na makalalaya rin ang Pilipinas sa kamay ng mga mananakop.

Laban sa Hinaharap
Marami na ang naganap sa kasaysayan ng bansa mula nang unang mailathala ang Florante at Laura. Gayunman, ang bisa ng awit na ito ay hindi pa rin kumukupas. Hangga’t nakararanas ang bansa ng kadiliman at pagmamalupit; hangga’t may inuusig na mga inosenteng Pilipino; hangga’t may mga Pilipino na nakatali o itinali para apihin; o hangga’t nariyang pagala-gala ang mababangis, ganid, at mapagpanggap na mga lingkod-bayan ay patuloy na mananawagan ang dakilang awit.

Ang tanong, ano ang gagawin mo para magliwanag naman ang madilim na bahagi ng ating kasalukuyan?

background-3394066_640

(Larawan mula sa Pixabay.com)

Mga sanggunian:
Santos, Lope K. Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas at Iba pang Sanaysay. editor, Almario, Virgilo S; katuwang na editor, Glory, Rolando T. Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2006. (e-copy)
Balagtas, Francisco. Florante at Laura. editor, Almario, Virgilio S. Quezon City: Adarna House, Inc. 2003.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s