Mga kaisipan na aking napagnilayan ukol kay Balagtas sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan

Dahil ipinagdiriwang ngayong araw, Abril 2, ang kaarawan ng dakilang makatang Bulakenyo na si Francisco Balagtas, magbabahagi ako ng anim na kaisipan na aking napagnilayan ukol sa kaniyang talambuhay.

Matapang ang taong tapat kung umibig.

Alam ng lahat na si Balagtas ay isang mangingibig. Ayon sa nakalimbag niyang talambuhay na Kun Sino ang Kumatha ng “Florante” na isinulat ni Hermenegildo Cruz noong 1906, umibig at nabigo si Balagtas sa unang dalaga na kaniyang inibig na nagngangalang Maria Asuncion Rivera (MAR). Si Rivera ang pinag-alayan niya ng kaniyang awit na Florante at Laura.

Mababasa sa unang bahagi ng awit ang “Kay Celia” o ang tulang binubuo ng 22 saknong. Sa tula, kinakausap niya ang isang dalagang minumutya na binanggit niyang may sagisag na eMe A eRe. Inilarawan ni Balagtas ang sarili bilang “tapat na lingkod” ng dalaga.

Ang panulat ay mabisang lunsaran upang digmain ang lungkot at kasawian.

Sa daloy ng “Kay Celia” ay naroon ang panghihinayang ni Balagtas dahil hindi lumawig ang maganda nilang nasimulan ni Rivera bilang mga mangingibig. Ayon pa sa saliksik ni Cruz, may mayamang karibal noon si Balagtas—si Mariano Capule—na ginamit ang impluwensiya upang maipakulong si Balagtas na siya namang nangyari. Sa bilangguan, nabalitaan na lamang ng makata na ikinasal na sina Rivera at Capule.

Ang Florante at Laura ay naisulat ni Balagtas sa loob ng piitan, patunay na ang panulat ang nagsilbi niyang sandata upang digmain ang lungkot at kasawian sa pag-ibig.

Walang edad ang isang manunulat.

Mula 1838 hanggang1840 ang naitalang petsa kung kailan naisulat ni Balagtas ang Florante at Laure at ang kaniyang edad ay humigit-kumulang sa 51 taon. Patunay na hindi nalilimitahan ng edad ang panulat—bata man o matanda ay makalikha ng isang dakilang akda ng kaniyang panahon.

Higit na tumatalas ang panulat kung nasasaktan.

Higit na makapagsusulat ang makata kung siya ay umiibig ngunit mas kumikinang ito dahil nalalangkapan ito ng selos, pag-aalinlangan, at pighati ngunit sa huli ay pananaigin niya ang pagpapatawad sa sarili at sa kapuwa nang sa gayon ay makapagbigay ng aral at inspirasyon sa mga mambabasa.

Patunay rito ang dakilang awit ni Balagtas at ang mga ginamit niyang tauhan na sina Florante atAladin.

Liban sa karanasan, may taong magtuturo sa iyo kung paano kumatha.

Mahalaga sa ating buhay ang pagkakaroon ng isang mentor o ng mahusay at mapagkakatiwalaang tagapagpayo. Sila ang tutulong sa atin upang mapaunlad ang sarili at magamit ang ating mga talento sa maayos at kapaki-pakinabang na paraan.

Ang likas na dunong sa panulat ni Balagtas ay lalong napanday sa pamamagitan ng isang tagapagturo at ito ay walang iba kundi si Jose de la Cruz, na mas kilala bilang Huseng Sisiw. Tinatanggap ng mga mananaliksik na si Huseng Sisiw ang makatang guro ni Balagtas na pinupuntahan ng kaniyang mga tagasunod sa Tondo upang magpaturo at ipakilatis ang kani-kanilang akda.

Maniwala sa handog na pag-asa ng ikalawang pag-ibig.

Huwag mag-alala ang mga taong nasaktan na sa pag-ibig dahil may darating na nakahihigit sa (mga) naunang dumating.

Nang makalaya sa pagkakabilanggo ang ating dakilang makata, nanirahan siya sa Balanga, Bataan at nagsilbing kalihim ng isang hukom. Nakilala niya roon si Juana Tiambeng at sila ay ikinasal noong 1842. Ang kanilang pagsasama ay nagbunga ng 11 anak.

Muli, maligayang kaarawan po!


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s